Reading Score Earn Points & Engage
Non Fiction

Ang pagmamahal ng isang magulang (Dreamymoon)

This story is all about my parents, I am grateful for their perseverance in working just so we could have something to eat I hope you read it.

Feb 5, 2025  |   2 min read

J R

Ang pagmamahal ng isang magulang (Dreamymoon)
More from Jhon Mark Respecia
0
0
Share
Ang buhay namin ay parang isang lumang awitin na paulit-ulit ang tono. Isang awitin ng paghihirap, pagpupursige, at pag-ibig. Ako si Jhon mark o tinatawag nilang (JM), at ang aking mga magulang ang bida sa kwentong ito. Araw-araw, sa paglipas ng madilim na gabi, ang ingay ng pagbuhos ng tubig ang siyang nagpagising sa akin. Si Mama, sa likod ng marupok niyang katawan, ay maingat na naglalaba. Tila ba ang bawat kuskos ng tela ay katumbas ng mga luha ng pagod. Minsan, hindi ko maiwasang tignan ang mga kamay niyang nagkulubot na sa katandaan, ngunit patuloy pa rin sa pagtupad sa kanyang tungkulin.

Pagkatapos ni Mama, si Papa naman ang naririnig ko. Ang mga yabag niya sa sahig ay naghuhudyat na papunta na siya sa bukid. Ang sinag ng araw ay sumasabay sa kanyang paghakbang patungo sa malawak na bukirin. Doon, nakikipagbuno siya sa lupa, nagtatanim at umaani ng aming makakain. Ang kanyang buong katawan ay tila ba isang mapa ng kanyang paghihirap. Mga peklat sa kamay, mga guhit sa likod, bawat isa ay may kwentong isinisigaw.

Hindi ko alam kung paano nila nagagawa. Kung paano nila natatagalan ang sakit. Kung paano nila naipapatuloy ang paggawa habang ako ay natutulog pa rin ng mahimbing. Ang tangi ko lang alam ay ginagawa nila ito para sa amin. Para mayroon kaming makakain at ma baon sa eskwela. Sa bawat pag-uwi ko mula sa paaralan, nakikita ko ang pagod sa kanilang mga mukha, pero hindi ko nakikita ang pagkasuko. Sa halip, ang nakikita ko ay pagmamahal. Pagmamahal na hindi masusukat ng anumang bagay.

Isang araw, ang kwento namin ay nagbago. Parang isang himala, nalaman namin na natanggap si Papa bilang security guard sa NEMSU(North Eastern Mindanao State University. Hindi ako makapaniwala. Ang mga mata ko ay nagniningning sa tuwa. Si Mama, sa likod ng kanyang pag-iyak, ay nakikita ko ang ligaya. Ang pagod na mukha ni Papa ay napalitan ng ngiti. Ramdam ko ang pasasalamat. Pasasalamat sa Diyos. Pasasalamat sa mga taong nagtiwala kay Papa.

Ang pagbabago ay hindi malaki. Hindi pa rin kami mayaman. Pero ang pagbabagong ito ay nagbigay ng pag-asa sa aming pamilya. Ang pagiging security guard ni Papa ay naging sandigan namin. Hindi na niya kailangan pang magpakapagod sa bukid. Hindi na rin ganun kahirap ang buhay ni Mama.

Ngayon, habang sinusulat ko ang kwentong ito, hindi ko maiwasang mapaluha. Mga luha ng pasasalamat. Pasasalamat sa aking mga magulang. Sa kanilang paghihirap. Sa kanilang pagmamahal. Sa kanilang pagpupursige. Sila ang tunay na bayani ng aking buhay. Ipinakita nila sa akin ang kahulugan ng sakripisyo at pag-ibig. At sa bawat araw na lumilipas, hindi ko sila bibiguin. Gagawin ko ang lahat para masuklian ang kanilang paghihirap. Dahil sila ang nagmulat sa akin na ang pag-ibig ng pamilya ay siyang pinakamakapangyarihan sa lahat. At ang pagmamahal na ito ang siyang nagbibigay sa amin ng lakas upang harapin ang bawat hamon ng buhay. At sa Panginoon, maraming salamat.

Please rate my story

Start Discussion

0/500