no ba ang dapat naming ginawa?
(Boses ng Kabataab)
Nakikita ko mula sa mataas na pundok ng basura ang malungkot na kinahinatnan ng aming tahanan matapos bumuhos ang napakalakas at walang tigil na ulan. Tila mabigat ang lahat sa pakiramdam, na tanging malamig lang na hangin ang nagpapagaan. Maya-maya bigla nalang may pumasok na tanong sa aking isipan, “Ano nga kaya, ano ba ang dapat naming ginawa?”.
Umagang-umaga ay naririnig ko na ang tunog at ingay ng mga hayop at sasakyan sa kalsada. Tiktilaaaoook! Aww! Aww! Meeeooow… meeoow.. Blag! Boooog! Brrrooommm!”. Maging ang walang tigil na sigawan ng mga tao, “HOOYYY! BUMANGON NA KAYO! KUMILOS KA ‘WAG TATAMAD-TAMAD!
Araw-araw ay ganito ang buhay ko dito sa kalye Malinis na tila kabaliktaran sa tunay na kahulugan kung ito’y ilalarawan. Nasa huling baitang na ako sa elementarya kaya kailangan kong pagbutihan. Lumabas na ako ng bahay para mag-igib ng tubig nang makaligo na at makapasok sa paaralan ng maaga.
Habang naghihintay na mapuno ang dalawang malalaking timba, inilibot ko ang aking mata sa kabuuan ng lugar kung saan nakatayo ang aming munting tahanan, “Wala naming espesyal, bagkos pangkaraniwan lang para sa lugar na tinatawag na iskwater ng ilan.
Pumasok na ako ng aming bahay dala-dala ang malalaking timba sa aking dalawang kamay. Halos ito na ang aking naging gawain sa bahay bago pumasok sa eskwela at pagkauwi ng bahay. Maaga akong nagigising para gawin ang aking mga tungkulin.
Sa klase naming sa Araling-Panlipunan, napag-usapan naming ang tungkol sa mga sakuna at disaster. Tinalakay ang mga dapat at di-dapat gawin, at kung paano maiiwasan ang matinding epekto ng sakuna at kalamidad sa ating mamamayan at komunidad.
Bigla akong napaisip at naiugnay ko ang mga ito sa aking karanasan sa aming tahanan. Naisip ko, “ano nga kaya ang mangyayari sa lugar na ang mamamayan ay tila walang pakialam at hindi nagpapahalaga sa kaayusan at kalinisan. “Basta tapon lang kung saan, tapon doon, tapon dito. Tambak doon, tambak dito.”
Sa kalagitnaan ng aking pagmumuni-muni ay nagising ako sa sigaw ng aming guro. Kami ay umuwi na daw upang makapaghanda sa darating na bagyo. Inaasahan ang malakas na pag-ulan kaya dapat lang na maging handa at alalahanin kung ano ang mga dapat at di-dapat gawin.”
Laking gulat ko ng pagdating ko ng bahay tila pangkaraniwan araw lang ito. Ang buong barangay ay nagtatrabaho parin kahit halos ang buong paligid na ay madilim. May nagbabadya mula sa kalangitan, na ano mang oras maaring bumagsak at galit na ibuhos sa kalupaan.
Umakyat na ako sa aking kwarto at doo’y isa-isa kong binalot ng plastic ang aking mahahalagang dokumento. Hinanda ko rin ang mga mahahalagang gagamitin at siniguradong may gagamiting ilaw sa oras na ang buong lugar ay mawalan ng kuryente at magdilim.
Tapos na ako nang biglang bumagsak ang malakas na ulan. Nakabibingi at nakababahala ang ingay na likha ng malakas na pagbagsak nito sa aming bubongan. Mas lalo pa akong kinabahan ng maya-maya ay bigla nalang dumilim at nawalan ng ilaw ang buong kabahayan.
Binuksan ko ang hawak kong flashlight at inilawan ang ibabang bahagi ng aming tahanan. Nakita ko ang aking pamilyang pumapanhik na paitaas dahil medyo mataas-taas narin ang tubig sa ibaba. Pinasok na pala ng tubig ang aming buong sala,banyo at kusina, halos nangangalahati na at mukhang tataas pa.
Buong magdamag kaming naghintay na tumila ang ulan upang bumaba na ang tubig sa ibang parte ng aming tahanan. Ngunit hanggang sa kami’y makatulong hindi man lang nabawasan ang lakas ng bagsak ng ulan sa aming bubungan. Tila nagsilbing alarm clock na gumigising sa amin paminsan-minsan.
Tiktilaaaoook! Aww! Aww! Meeeooow… meeoow.. Blag! “HOOYYY! BANGON NA!, ang ingay na gumising sa aming pamilya. Akala ko ang lahat ay panaginip lang. Sa unang pagkakataon nasabik akong marinig ang mga ingay na iyon. Dali-dali akong tumakbo sa pinto para bumaba at matiyak ang aking hinala.
Dampi ng malamig na hangin ang gumising sa akin. Bumalik sa aking isip, “Ano nga kaya, ano ba ang dapat naming ginawa? At ito’y naging mas malalim, “Bilang isang batang mamamayan ano nga kaya ang pwede kong magawa?”, at tumakbo na ako pababa mula sa aking kinatatayuang pundok ng basura.


